Isko nag-inspeksyon sa gasolinahan
MANILA, Philippines — Nagsagawa ng surprise inspections si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa isang gasolinahan sa Sta. Cruz, Maynila kahapon upang tiyaking sumusunod ang mga nagbebenta ng gasolina sa mga itinakdang presyo ng pamahalaan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Domagoso, ang inspeksyon ay bahagi ng pagsisikap ng pamahalaang lungsod na protektahan ang mga mamimili at matiyak na sinusunod ng mga gasolinahan ang mga pinahihintulutang price adjustment na itinakda ng Department of Energy.
Nagbigay rin ng babala ang alkalde sa mga fuel retailer na maaaring samantalahin ang sitwasyon.
“I will not allow abuse sa part at maapektuhan ang consumer,” aniya, na binibigyang-diin na dapat maging patas ang mga negosyo sa publiko lalo na sa panahon ng pagtaas ng presyo ng gasolina.
Binigyang-diin pa ni Isko na ang pagnenegosyo sa Maynila, isang pribilehiyong ibinibigay ng lokal na pamahalaan at maaari itong bawiin kung maaabuso.
Samatala, inanunsiyo ni Domagoso na mahigit 10,000 tricycle driver sa Maynila ang inaasahang makatatanggap ng tig-P5,000 sa susunod na linggo sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Susunod namang makatatanggap ng tulong ang mga jeepney driver, taxi operator, transport network vehicle service (TNVS) driver, riders, at bus driver sa mga susunod na release ng ayuda.
- Latest



















