^

Metro

Estudyante, binugbog sa tapat ng barangay hall

Mer Layson - Pilipino Star Ngayon

Dahil sa selos

MANILA, Philippines — Isang estudyante ang binugbog ng apat kabataan bunsod umano ng selos sa Sampaloc, Manila kamakalawa.

Nagpapagaling na ang biktimang si alyas “Johnny” sa pagamutan dahil sa mga sugat at pasa sa katawan.

Tatlo naman sa mga suspek, na kinabibilangan ng isang menor de edad, ang kusang dinala ng kanilang mga kaanak sa pulisya at isinuko habang ang ikaapat na suspek na siyang sumipa sa mukha ng biktima ay pinaghahanap pa ng mga awtoridad.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), dakong alas-12:30 ng tanghali nang maganap ang insidente sa tapat ng Barangay hall ng Barangay 520 sa Sampaloc.

Makikita sa CCTV na mag-isang naglalakad ang biktima sa naturang lugar, nang bigla na lang itong sugurin ng dalawa sa mga suspek at kaagad na pinagsusuntok, sanhi upang matumba sa kalsada.

Kahit naman nakatumba na, patuloy pa rin ang pananakit ng mga suspek sa biktima, habang ilang estudyante na nakakita sa insidente ang nagtatangkang umawat sa mga ito. Maya-maya pa, isang lalaki pa, na kasabwat ng mga suspek, ang tumakbo at huminto sa tapat nila, at saka may pinulot na bagay na nahulog mula sa isa sa mga lalaking nananakit sa biktima, ngunit hindi masyadong nakita sa video kung ano ito.

Matapos pa ang ilang sandali, isang estudyante naman ang duma­ting at tinadyakan sa mukha ang biktima. Itinigil lamang ng mga suspek ang ginagawa at mabilis na tumakas nang makitang papadating na ang mga taga-barangay.

Ayon sa isang barangay official, pinagselosan umano ng isa sa mga nambugbog ang biktima, matapos akalaing nililigawan nito ang kaniyang nobya.

Malaunan, natuklasan pa ng mga barangay officials na ice pick pala ang bagay na pinulot ng isa sa mga suspek, na nakita sa CCTV, ngunit mariin itong pinabulaanan ng suspek at sinabing vape lamang umano ang kanyang pinulot.

Dinala na ang mga suspek sa tanggapan ng Manila Police District (MPD)- Sampaloc Police Station 4 (PS-4) para pagsasampa ng kaukulang reklamo, gayundin ang menor de edad na nagselos umano, at posibleng isailalim sa act of discernment ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

MPD

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with