Tanggapan para sa PWDs, kapos
MANILA, Philippines — Kulang ang bilang ng mga tanggapan ng Persons with Disability Affairs Offices (PDAOs) sa bansa na nangangalaga sa mga may kapansanan o mga PWDs sa bansa.
Ito ang pagpuna ng National Council on Disability Affairs (NCDA), isang attached agency ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaya’t kailangan aniyang tugunan ang kakulangan nito upang matiyak na ang lahat ng PWDs sa bansa ay maayos na narehistro, nabigyan ng identification cards, at napagkalooban ng angkop na mga serbisyo ng gobyerno.
Base sa talaan ng NCDA, mula sa 1,715 LGUs sa buong bansa, nasa 400 hanggang 500 lamang may dedicated PDAOs.
Ayon kay NCDA spokesperson Atty. Walter Alava, karamihan sa mga compliant na LGU ay nasa urban areas habang hindi naman sumusunod ang mga munisipalidad sa mga malalayong lugar.
Ang pagtatatag ng PDAOs ay itinatadhana sa ilalim ng Republic Act No. 10070 o an Act Establishing Institutional Mechanism to Ensure the Implementation of Programs and Services for Persons with Disabilities sa bawat lalawigan, City at Municipality.
- Latest





















