Helmet, masks bawal na sa Parañaque
MANILA, Philippines — Pinagtibay at inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ng Parañaque ang isang ordinansa na nagbabawal sa pagsusuot ng anumang uri ng helmets, masks, at iba pang pantakip sa mukha loob ng mga establisyimento at sa mga pampublikong lugar.
Ito ay nakapaloob sa City Ordinance No. 2025-30 (69), Series of 2025 o “Anti-Face Concealment Ordinance of Parañaque City”, na iniakda ni Councilor Pablo Olivarez II at nilagdaan ni Mayor Edwin Olivarez noong Nobyembre 13, 2025.
Sa ilalim ng ordinansa, labag sa batas ang pagsusuot ng helmet, bonnet, ski mask, balaclava, full-tint face shield, construction helmet, industrial mask, o katulad na mga bagay na pantakip sa mukha sa loob ng mga establisyimento para sa komersyo, gobyerno, edukasyon, pinansyal, at iba pang establisyimento na bukas sa publiko.
Saklaw din sa pagbabawal kung ang mga indibidwal ay malayo sa kanilang motorsiklo, nasa layong 3 metro sa pagbaba o nakaparada sa kalsada, bangketa, eskinita, parking area, palengke, parke, at mga itinalagang crime-prone zone.
May exemptions naman para sa paggamit nito kung may medical o health-related sa panahon ng opisyal na idineklarang public health emergencies, kinikilalang religious o cultural practices, at ang aktwal na pagbiyahe ng motorsiklo.
- Latest























