Lolo arestado sa pangingikil ng mga traders sa Binondo
MANILA, Philippines — Isang lolo na sinasabing sangkot umano sa serye ng robbery-extortion activities sa Binondo, Manila, na kadalasang biktima ay mga negosyante, ang nadakip ng mga awtoridad sa isang entrapment operation, nabatid kahapon.
Kinilala ni PLTCOL. Inocencio Richard Villanueva, hepe ng Manila Police District (MPD)-Police Station 11 (PS-11) ang naarestong suspek na si alyas “Ed”, 69, nagpapakilalang market researcher at residente ng Quiapo, Manila.
Nabatid na ang suspek ay dinakip sa isang entrapment operation na isinagawa dakong alas-8:15 ng gabi sa loob ng isang fastfood restaurant sa Juan Luna St. sa Plaza Ruiz, sa Binondo, batay sa reklamong isinampa ng isang 44-year-anyos na Chinese-Filipino property manager na nakabase sa Binondo, Maynila.
Samantala, pinaghahanap na rin ng pulisya ang isa umanong pulis na sinasabing kasabwat ng suspek sa ilegal na aktibidad.
Ayon kay MPD spokesman PMaj. Philipp Ines, ang suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa Article 293 ng Revided Penal Code (Robbery-Extortion).
Ang pagproseso sa kanya ay isinagawa nina PMaster Sgt. Ryan DL Fortich, PStaff Sgt. Mark Anthony Alata, Duty STOC at PCapt. Florante Raquino, Jr.
Narekober mula sa suspek ang P200,000 at isang cellphone nang madakip.
Hinihimok naman ni Maj. Ines ang iba pang posibleng biktima na magharap din ng reklamo laban sa naarestong suspek.
- Latest





















