P5.2 milyong pekeng Shein products nasamsam
MANILA, Philippines — Hindi na umabot sa merkado ang nasa tinatayang P5.2 milyong halaga ng mga pekeng branded na damit nang masabat ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation and Detection Group–Specialized Mission and Monitoring Division Field Unit (CIDG-SMMDFU), sa isang commercial site sa Parañaque, ayon sa pulisya nitong Sabado.
Sa ulat na isinumite kay PNP Acting Chief PLTGEN. Jose Melencio C. Nartatez Jr., bandang alas-12:15 ng hapon nitong Disyembre 18 ng magsagawa ng buy-bust operations ang mga operatiba ng CIDG kasama ang isang kinatawan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa isang establisyemento sa Brgy. San Dionisio, Parañaque City.
Bago ito, nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa pagbebenta ng mga pekeng produkto ng mga suspect.
Sa nasabing operasyon ay nakasamsam naman ng 386 bundles ng pekeng “Shein” products habang nasa pitong suspect na pawang mga Pinoy naman ang naaresto.
Isasailalim sa inquest proceedings ang mga suspect sa Parañaque City Prosecutor’s Office sa mga reklamong paglabag sa Republic Act 3883 (Prohibiting Counterfeit and Pirated Goods), RA 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines), at RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).
- Latest


















