Malabon LGU kinilala 5 barangay na wagi
‘Search for Cleanest and Greenest Barangay 2025’
MANILA, Philippines — Bilang bahagi ng proyektong malinis ang lungsod mula sa mga basura sa iba’t ibang lugar, inihayag na ng Malabon LGU ang mga barangay na nanalo sa ‘Search for Cleanest and Greenest Barangay 2025’.
Ayon kay Malabon City Mayor Jeannie Sandoval, layon ng paligsahan na matiyak ang kalinisan at pagtutulungan sa bawat barangay.
Itinanghal na ‘Cleanest and Greenest Barangay’ ang Brgy. Potrero na nagkamit ng P1,000,000.00 cash prize, sinundan ng Brgy.Dampalit, P500,000; Brgy. Bayan-bayanan, P250,000; Brgy. Tinajeros, at Brgy. Hulong Duhat, P50,000 cash prize.
Tumanggap naman ng certificates of appreciation ang 16 pang barangay.
Enero, 2025 nang ilunsad ni Sandoval ang labanan ng mga barangay sa pamamagitan ng City Environment and Natural Resources Office, upang hikayatin ang mga residente na maging malinis at maayos sa kanilang paligid.
“Ito ay isang kompetisyon kung saan nais natin mapalakas ang pagkakaisa at maipakita ang iba’t ibang inisyatibo ng mga barangay sa pagsiguro ng kalinisan sa kanilang lugar”, ani Sandoval.
Binusisi at ininspeksiyon ang mga kasaling barangay mula Abril hanggang Nobyembre ng Malabon Solid Waste Management Board, Metropolitan Manila Development Authority, Department of Environment and Natural Resources, Department of Interior and Local Government, at Mother Earth Foundation.
“Sa ating mga kababayan, patuloy po ang pamahalaang lungsod sa pagpapaalala na panatilihing malinis ang ating kapaligiran. Ito ay upang makamit natin ang ating pangarap na isang maaliwalas at magandang Malabon na tahanan ng mga malulusog at masasayang mamamayan. Maraming salamat sa pakikiisa at pagtutulungan.”ayon naman kay City Administrator Dr. Alexander Rosete.
- Latest
















