3 Chinese timbog sa cryptocurrency scam

MANILA, Philippines — Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) Fugitive Search Unit (FSU) ang tatlong Chinese national sa Maynila dahil sa umano’y pagpapatakbo ng online cryptocurrency scam na nagta-target sa mga investor sa Hong Kong.
Ayon sa ulat na isinumite kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, ang mga pag-aresto kina Chen Jinhao, 27, Yang Chao Wen, 37 at Yu Sun, 50, ay naganap noong Nobyembre 7, 2025, sa isang hotel sa kahabaan ng Tomas Mapua St. sa Sta. Cruz, Maynila.
Huli sa akto ang tatlong Chinese na nag-o-operate ng online cryptocurrency scam kung saan target ang mga namumuhunan sa Hong Kong sa pamamagitan ng isang AI.
Sa beripikasyon sa database ng BI, lumitaw na sina Chen at Yang ay overstaying na mga dayuhan. Nabigo ang tatlong suspek na magpakita ng mga balidong pasaporte o anumang valid na dokumento sa imigrasyon kapag hiniling ng mga awtoridad sa imigrasyon.
Agad na dinala ang tatlong suspek sa BI Warden Facility (BIWF) sa Bicutan, Taguig City para sa booking, documentation, at verification procedures. Isasagawa rinang deportation hearing.
Pinuri ni Viado ang mabilis na pagkilos ng FSU sa pagpapatupad ng batas, na layong protektahan ang publiko mula sa mga scam na ginagawa ng mga dayuhan.
- Latest

















