Higit 3K residente ng Malabon mananatili sa evacuation centers
MANILA, Philippines — Bunsod ng patuloy ng mga pag-ulan, malalakas na hangin at pagtaas ng tubig dagat na dulot ng bagyong Uwan, umaabot sa mahigit 3,000 residente ng Malabon City ang mananatli sa mga evacuation center.
Ayon sa ulat ng Malabon City Disaster Risk Reduction and Management Office (MCDRRMO), nasa 897 pamilya o 3,336 residente mula Potrero, Tañong, Catmon, Longos, at Hulong Duhat ang dinala sa 24 evacuation centers sa lungsod, kabilang ang Potrero Elementary School na isa sa pinakapuno ngayon ng mga evacuees.
Agad ding nagamit ang Quick Response Fund upang mapabilis ang operasyon sa relief distribution at rescue efforts. Kasabay nito, patuloy ang pamamahagi ng mainit na pagkain, relief goods, at serbisyong medikal sa mga apektadong residente, lalo na sa mga bata, nakatatanda, at buntis.
Ayon kay Malabon City Mayor Jeannie Sandoval, nakatutok ang lungsod sa kaligtasan ng mga mamamayan at patuloy ang koordinasyon ng MCDRRMO, City Social Welfare and Development Department (CSWDD), at iba pang tanggapan para matiyak na sapat ang tulong at maayos ang kalagayan ng mga evacuees.
- Latest
















