GDP ng Parañaque umabot sa higit P366 bilyon noong 2024- PSA
Tumaas ng 6.8 percent
MANILA, Philippines — Patuloy ang malakas na pagganap ng ekonomiya ng Lungsod ng Parañaque matapos umabot sa ?366.44 bilyon ang Gross Domestic Product (GDP) nito noong 2024, katumbas ng 6.8% na paglago kumpara sa nakaraang taon, ayon sa pinakahuling ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon kay Maricel Carangan, Acting Supervising Statistical Specialist ng PSA-NCR, nagtala ang Parañaque ng 8.7% na growth rate noong 2023, dahilan upang ituring itong pinakamabilis na lumagong ekonomiya sa mga highly urbanized cities (HUCs) sa Metro Manila sa panahong iyon.
Noong 2024, tinatayang umabot sa ?521,065 ang per capita GDP ng lungsod, na nakuha sa paghahati ng kabuuang GDP sa bilang ng populasyon batay sa 2024 census.
Sinabi ni City Treasurer Dr. Anthony Pulmano, nananatiling pangunahing tagapagpasigla ng ekonomiya ang sektor ng serbisyo, na bumubuo ng 78.6% ng kabuuang output at lumago ng 7.3%, habang ang sektor ng industriya ay tumaas ng 5.1%.
Dagdag pa ni Pulmano, nanguna sa mga sektor ang transportation and storage (19.0%), sinundan ng accommodation and food service activities (9.9%), na nagpapakita ng tuluy-tuloy na pagbangon ng lungsod mula sa pandemya at patuloy na kumpiyansa ng mga mamumuhunan.
Kinilala rin ng Department of Finance (DOF) ang mahusay na pamamahala sa pananalapi ng Lungsod ng Parañaque, batay sa pinakahuling performance report nito, kung saan ang lungsod ay nagtamo ng mga sumusunod na ranggo: Ika-4 sa Year-on-Year Growth in Local Source Revenues, Ika-6 sa Local Source Revenues, at Ika-8 sa Ratio of Local Source Revenues to Total Current Operating Income sa lahat ng highly urbanized cities sa bansa.
Pinuri ni Mayor Edwin Olivarez ang sektor ng negosyo sa lungsod sa kanilang katatagan at malaking ambag sa lokal na ekonomiya, at tiniyak ang patuloy na pangangalaga ng pamahalaang lungsod sa isang business-friendly environment na makakahikayat ng mas maraming mamumuhunan at makalilikha ng de-kalidad na trabaho para sa mga Parañaqueño.
- Latest




















