DLSU, nakatanggap ng bomb threat

MANILA, Philippines — Napilitan ang pamunuan ng De La Salle University (DLSU) Manila campus na magdaos ng online modality, sa halip na face-to-face classes kahapon matapos na makatanggap ng bomb threat ang isang miyembro ng student government ng unibersidad sa pamamagitan ng email.
Nakasulat sa Bisaya ang email na nagsasaad ng mga katagang, “Warning adunay bomba nga gitanom sa De La Salle University Manila makaguba ugma sa buntag, Oktubre 2, 2025” o “Babala: May bombang nakatanim sa De La Salle University Manila na wawasak dito sa umaga ng Oktubre 2, 2025.”
Agad namang rumesponde ang Manila Police District (MPD) at hinalughog ang buong unibersidad, ngunit wala silang natagpuang bomba o anumang uri ng pampasabog. Agad namang isinara ng DLSU ang kanilang Manila Campus upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga tauhan at mga estudyante.
Bagama’t cleared na sa anumang bomb threat ang paaralan, nakikipag-ugnayan pa rin sila sa National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division para sa pagsasampa ng kaso sa taong nasa likod ng naturang pagbabanta. Nakatakda rin namang magpatuloy ang onsite work at klase sa unibersidad ngayong Biyernes.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na ang banta ay maaaring isang practical joke lamang mula sa mga pranksters. Umaasa naman ang alkalde na magsasagawa ang DLSU ng sariling imbestigasyon sa isyu.
- Latest






















