Isko binuksan 26 evacuation sites; declogging, inutos
MANILA, Philippines — Bunsod ng patuloy na banta ng Severe Tropical Storm Opong, inutos ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pagbubukas ng 26 na evacuation sites sa lungsod upang matiyak na may masisilungan ang mga residente na maaapektuhan.
Ayon kay Domagoso, maaari nang magtungo sa alinmang mga evacuation site ang mga evacuees na paglalaanan ng hot meals ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa ilalim ni Director Jay Dela Fuente.
“As of the moment, wala naman pong laman (ang mga evacuation centers), but the MDSW, thru Dir. Jay Dela Fuente, has ordered yesterday hot meals kapag may mga evacuees na,” ani Domagoso.
Sinabi ni Domagoso na 24/7 ang isinasawagang monitoring ni Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office (MCDRRMO) at iba pang ahensiya ng LGU hanggang ngayon kung saan inaasahan ang mas malakas na hagupit ng bagyo.
Samantala, inutos din ng alkalde ang tuluy-tuloy na declogging operations upang mabawasan ang pagbabaha sa lungsod.
“Since July 1, kahit baha, pinapa-declog ko pa rin. At the same time, based on that EO, ‘yung 896 barangays, inaatasan natin na tuwing Saturday, mag-declog sila ng kani-kanilang canal. Kami naman sa Maynila, araw-araw,” dagdag pa ni Domagoso.
- Latest

















