P97 milyong Matalahib Creek, dagdag problema sa baha - Mayor Joy

MANILA, Philippines — Nakadagdag pa sa problema sa baha ang Matalahib Creek project na matatagpuan sa Brgy. Talayan at Brgy. Sto. Domingo sa District 1 sa Quezon City.
Ito naman ibinunyag ni QC Mayor Joy Belmonte kung saan lumitaw sa imbestigasyon ng binuong komite na nag-iimbestiga sa mga flood control projects na ang pagtatayo ng creek ay mas nagpalala sa problema ng pagbaha sa naturang distrito.
Ayon kay Belmonte, hindi naipaalam sa QC LGU at nai-award ng DPWH sa kompanya ng mga Discaya na St Timothy Construction Corporation at Pilastro Builders ay pinondohan ng national government ng P97 milyon para sa Phase 1 at P250 milyon naman sa Phase 2. Sinabi na umano ni Belmonte kay District 1 Rep Arjo Atayde ang tungkol sa proyekto na nasayang lang.
Nabatid kay Belmonte na ang Matalahib Creek project ay hindi bahagi ng Drainage Master Plan ng QC kundi proyekto ng DPWH na isa sa mga pumping station sa lungsod. Kinuwestyon ni Belmonte kung paano gagawin ang pagbomba ng tubig sa lugar gayong hindi naman coastal city ang QC at wala sa may Manila Bay. Ang naturang proyekto aniya ay isa lamang sa maraming hindi sumusunod sa masterplan ng Quezon City para sa flood control projects.
Sa ulat ng komite, may inisyal na 254 flood control projects na ang kanilang nailista at 93 palang sa mga ito ang nasuri ng city engineers. Dito nadiskubre ang mga proyektong hindi idinedeklara ng DPWH sa QC LGU kahit dalawang beses kada buwan ang meeting ng magkabilang panig.
Ang QC na binubuo ng 6 na distrito na may 142 barangays at 3.2 milyong populasyon.
- Latest


















