Look out sa magkapatid na pinatay ng tandem, arestado
MANILA, Philippines — Isang lalaki na nagsilbing lookout ang nasa kustodiya ngayon ng Criminal Investigation and Detection Unit-Quezon City Police District (CIDU-QCPD) matapos na maaresto sa isinagawang follow up operations Huwebes ng madaling araw.
Sa progress report na ipinadala ni Novaliches Police Station (PS4) chief PLtCol. Aljun Belista kay QCPD Acting Director PCol. Randy Glenn Silvio, bandang alas-12:50 ng madaling araw kamakalawa nang madakip si alyas “Joseph” sa kanyang bahay.
Napag-alaman na si “Joseph” ay may record ng mga kasong paglabag sa RA9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Illegal Gambling noong 2010 at 2025.
Lumilitaw na si “Joseph” umano ang nagtimbre sa mga gunman na nasa loob ang mga biktima na sina alyas “Angela”, 36, na isang buntis at kapatid na si alyas “Jennifer”, 33 habang ginagamot naman sa ospital ang kaibigang si alyas “Rosa”, 33 pawang mga residente ng Brgy. Gulod, Novaliches, QC.
Ang magkapatid na sina “Angela” at “Jennifer” ay dead on the spot habang sugatan ang kaibigang si “Rosa”. Abala noon ang mga biktima sa paggawa ng lootbags para sa kaarawan ng kanilang pamangkin.
Patuloy ang pagtugis ng pulisya laban sa riding in tandem at pagtukoy sa tunay na motibo ng pamamaslang.
- Latest
















