PNP-HPG naghigpit sa mga sasakyang labas-masok sa Camp Crame
MANILA, Philippines — Nagsimula nang maghigpit ang Philippine National Police- Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa mga saksakyang papasok at lumalabas sa Kampo Crame.
Ayon kay PNP-HPG Spokesperson, PLt. Nadame Malang, ito’y alinsunod sa direktiba ni PNP-HPG Acting Director, PCol. Hansel Marantan, katuwang ang PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) at Headquarters Support Service (HSS) ng kampo Crame.
Sinabi ni Malang na ang pagpapaigting ng inspeksiyon ay bunsod ng kanilang kampanya kontra carnapped, unregistered at mga sasakyang maaring magamit sa krimen.
Isa-isang binubusisi ang mga plaka, rehistro gayundin ang lisensya ng mga motoristang dumaraan sa mga entrada ng Kampo kung saan, pinaaalis ang mga transparent cover sa plaka ng mga sasakyan.
Nagbabala naman ang HSS na mahigpit na ipinagbabawal sa loob ng Kampo ang anumang accesories na inilalagay sa mga plaka na makahaharang sa mahahalagang detalye nito.
Tiniyak ni Malang na magtutuluy-tuloy ang operasyon sa mga sasakyan, maging ito ma’y service mobile, sasakyan ng mga opisyal at sa lahat nang may PNP issued decal.
Aniya, kapakanan pa rin ng publiko ang kanilang priyoridad sa kanilang ipinatutupad.
- Latest


















