Lookout order vs DPWH execs, contractors inisyu ng DOJ
MANILA, Philippines — Nagpalabas na ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) ang Department of Justice (DOJ) laban sa mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, ang pag-iisyu ng lookout bulletin ay paraan upang mapigilan ang mga nadadawit sa isyu na makalabas ng bansa.
“Kasi ang tendency ng tao tumakas talaga. At the earliest opportunity, tatakas ‘yan,” sinabi ni Remulla nitong Miyerkules nang tanungin hinggil sa liham na ipinadala ni DPWH Secretary Vince Dizon.
Sa liham naman ni Dizon, iginiit niya na ang napapanahong pag-iisyu ng ILBO laban sa mga indibidwal na natukoy sa patuloy na imbestigasyon upang magpatuloy ng walang antala at panagutin ang mga dapat managot sa mamamayang Pilipino.
Nabatid na nasa 26 na DPWH officials at mga pribadong indibidwal ang sakop ng ILBO.
Samantala, hiniling na rin ni Sen. Rodante Marcoleta sa DOJ na isama sa watchlist ang 33 kontratista at opisyal ng DPWH at ipaalam sa komite kung ang nasa listahan ay magtatangkang umalis ng bansa o kaya naman ay dumating sa Pilipinas.
Kabilang rito si Sarah Discaya ng Alpha and Omega, Ma. Roma Angeline Discaya-Rimando St. Timothy Construction, Mark Allan Arevalo ng Wawao Builders at ang hindi pa nagpapakitang si Edgar Acosta ng Hi-Tone Construction and Development Corporation.
Kasama din sa listahan sina DPWH Usec. Maria Catalina Cabral, dating District Engineer ng 1st District Engineering Office ng Bulacan na si Henry Alcantara at ang dating Asst. District Engineer nito na si Brice Hernandez.
Inisyuhan din ng show cause order ang contractor na si Acosta para pagpaliwanagin kung bakit hindi siya dapat ma-contempt matapos hindi makadalo sa dalawang pagdinig ng komite. — Malou Escudero
- Latest






















