Manhunt vs 2 holdaper, rapist sa massage parlor - Pasay Mayor
MANILA, Philippines — Inutos ni Pasay City Mayor Imelda “Emi” Calixto-Rubiano ang manhunt operation laban sa dalawang suspek sa panghoholdap at panggagahasa sa dalawa sa 13 masahista ng isang massage parlor kamakalawa sa nabanggit na lungsod.
Kinondena rin ni Calixto-Rubiano ang pangyayari kung saan sinabi nito na hindi katanggap-tanggap at walang puwang sa Lungsod ng Pasay ang ginawa ng mga suspek dahil matapos limasin ang kanilang pera at mga gamit ay nagawa pang gahasain ang dalawa sa kanila.
Nangyari ang panloloob at panggagahasa sa mga masahista dakong alas-2:55 ng hatinggabi noong Biyernes, Agosto 29, 2025.
“With the help of our Pasay Police and other agencies, we are certain that justice will be served,” ani Calixto-Rubiano.
Bukod sa patugis sa mga suspek, inatasan din ni Calixto-Rubiano si Pasay City Police Station chief PCol. Joselito de Sesto na dagdagan ang seguridad at police visibility sa buong lungsod upang hindi na maulit ang ganitong pangyayari.
Samantala, nagpahatid din ng mensahe si Mayor Emi sa mga biktima na nakahandang magbigay ng kinakailangang tulong ang lokal na pamahalaan lalo na sa dalawang biktima ng panghahalay.
- Latest


















