MMC itataas multa vs iligal na pagtatapon ng basura

MANILA, Philippines — Tahasang sinabi ni Metro Manila Council (MMC) President at San Juan Mayor Francis Zamora na pinag-uusapan na ng Metro Mayors ang pagtataas ng multa sa mahuhuli na walang habas na pagtatapon ng basura na nagpapalala ng mga pagbaha sa Kalakhang Maynila.
Ayon kay Zamora, nagsimula na nilang pag-usapan ang hakbang na magpapaunlad sa pagdidisiplina sa kani-kanilang residente hinggil sa walang patumanggang pagtatapon at hindi pagsunod sa tamang oras na koleksiyon ng basura.
“Hindi naman kayo pagmumultahin kung hindi kayo nag-violate,” ani Zamora sa panayam ng radio.
Umaga ng Miyerkules nang magsagawa ng clean-up operation o “Bayanihan sa Estero” program ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Lambingan Bridge, San Juan River, San Juan City.
Pinangunahan nina MMDA Chairman Don Artes at Mayor Zamora ang operasyon, na bahagi ng tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na socio-economic agenda na palakasin ang disaster resilience at paglilinis sa mga infrastructures at maagapan ang mga pagbaha sa Metro Manila.
“This clean-up drive seeks to reinstate the natural flow of waterways, reduce flooding, and foster environmental sustainability and accountability throughout Metro Manila,” ani Artes.
Nakilahok din ang ilang kandidato ng Miss Earth Philippines, volunteers ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ride-hailing apps Grab, Angkas, Joyride, Move It, at TUPAD beneficiaries sa clean-up operation.
- Latest

















