Pre-trial sa multiple murder case vs Teves, sinimulan na ng korte
MANILA, Philippines — Nagdaos na kahapon ang Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 51 ng pre-trial hearing para sa multiple murder case na kinakaharap ni dating Negros Oriental Cong. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. kaugnay ng umano’y pagpatay kay dating former Negros Oriental Governor Roel Degamo at iba pang indibidwal noong Marso 2023.
Nabatid na dumalo si Teves sa pagdinig sa ilalim ni Manila RTC Branch 51 Judge Merianthe Pacita Zuraek sa pamamagitan ng video teleconferencing, habang ang isa sa kanyang mga abogado na si Atty. Andres Manuel, ay personal na dumalo sa hukuman.
Ang kampo naman ni Degamo ay kinatawan ng kanilang abogado na si Atty. Andrei Bon Tagum.
Tumanggi si Manuel na magbigay ng mga detalye sa pagdinig ngunit sinabi ni Tagum na matapos ang pre-trial ay nagkasundo ang magkabilang panig sa mga susunod na mga hearings, kabilang na ang bail hearing para sa inihaing petition for bail.
Itinakda naman ang susunod na pagdinig sa kaso sa Setyembre 5.
- Latest





















