Lalaki inakyat poste ng high tension wires, sugatan
MANILA, Philippines — Nagtamo ng mga sugat at paso sa katawan ang isang lalaking may problema diumano sa pag-iisip umakyat sa poste ng Meralco, sa Muntinlupa City, Sabado ng gabi.
Ang biktimang hindi pa ibinunyag ang pagkakilanlan ay kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila matapos ilipat mula sa Medical Center Muntinlupa dahil sa matinding pinsala, hindi lamang sa balat, kundi umabot sa kanyang internal organs
Nagsimula ang insidente alas-10:00 ng gabi, sa national road ng Putatan, malapit sa Muntinlupa City Hall, ayon kay Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon na personal na rumesponde sa pangyayari.
Aniya, humigit-kumulang 30% ang burn injury na tinamo ng biktima, na dahil sa high voltage na nakaapekto umano hanggang sa internal organs.
Tumagal ng halos 2 oras ang insidente na nagdulot ng pagbagal ng daloy ng mga sasakyan nang mapuno ng mga tao ang lugar.
Nahirapan ang pulisya at mga tauhan ng barangay na itaboy ang mga usisero’t-usisera hanggang sa mismong ang alkalde na ang nakiusap na umalis sila.
Matagumpay na nailigtas ang biktima na isinugod sa pagamutan dahil sa matinding pinsala.
- Latest


















