P14 milyong sibuyas mula China positibo sa E-coli, salmonella

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na nagpositibo sa E-coli at salmonella ang nasa P14 milyong halaga ng mga puslit na sibuyas mula sa China, na nasabat ng Bureau of Customs (BOC), DOH at Department of Agriculture (DA).
Dahil dito, hindi na maaaring mapakinabangan ang mga naturang smuggled goods dahil banta ito sa kalusugan ng mga Pinoy.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, ang E-coli ay nagdudulot ng mga gastrointestinal illnesses gaya ng pagtatae at lagnat.
Babala pa niya, kung may edad o batang-bata ang tatamaan nito ay maaari pa itong mauwi sa pagkamatay mula sa dehydration.
“So may issue talaga ng food safety ang mga smuggled food items,” aniya pa.
Matatandaang ang mga sibuyas ay natagpuan sa isinagawang inspeksyon sa anim na 40-foot container, kung saan natagpuan din ang humigit kumulang P20 milyong halaga ng frozen mackerel.
Wala pa naman inilalabas na resulta ang DOH kung maaaring mapakinabangan o makain ang mga frozen mackerel na nagmula pa sa China.
- Latest

















