Bebot himas rehas sa P.5 milyong illegal drugs

MANILA, Philippines — Tinatayang nasa halos kalahating milyong piso ang halaga ng iligal na droga ang nasamsam sa isang babaeng itinuring na high value individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Taguig City, Biyernes ng gabi.
Ang suspek na si alyas ‘Catherine’, 30, residente ng Hagonoy, Taguig, ay isinailalim na sa inquest proceedings sa Taguig City Prosecutor’s Office sa reklamong paglabag sa section 5 at 11 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Dakong alas-11:55 ng gabi ng Mayo 23, 2025 nang arestuhin si Catherine sa Barangay Santa Ana, Taguig City, ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Taguig City Police Station.
Nasamsam sa suspek ang kabuuang halaga na P493,780.00 mula sa 67.1 gramo ng shabu na may standard drug price P456,280.00, at 25.0 gramo ng marijuana kush na nagkakahalaga ng P37,500.00. Kasabay ng iligal na droga, narekober ng pulisya ang marked P500 buy-bust money, ilang piraso ng boodle money, drug paraphernalia, at isang puting Honda Click na motorsiklo na gamit sa pagdeliver ng nasabat na shabu.
Pinuri ni P/Brig. General Joseph R. Arguelles, Acting District Director ng Southern Police District, ang matagumpay na operasyon.
- Latest

















