Pedicab, sapol sa SUV 4 katao sugatan
MANILA, Philippines — Apat na katao ang sugatan, kabilang ang tatlong senior citizen, nang araruhin ng isang sports utility vehicle (SUV) ang isang pedicab, matapos umanong sumakit ang dibdib ng driver nito sa Paco, Manila kamakalawa.
Naisugod naman sa magkakahiwalay na pagamutan ang mga biktimang sina Rosario Rosales, 67; at Corazon Batrios, 79, na nahulog sa pedicab; gayundin sina Senthia Di Tan, 72; at John Patrick David, 35.
Batay sa ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) - Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS), naganap ang insidente dakong alas-5:15 ng hapon sa Onyx St., kanto ng 1st St., sa Paco.
Nauna rito, minamaneho umano ng suspek na si Jeffrey Joseph David, 42, ang isang SUV nang pagsapit sa naturang lugar ay bigla umanong manakit ang kanyang dibdib, sanhi upang araruhin ang likurang bahagi ng pedicab na minamaneho ni Larry Lausing, 51, na sinasakyan nina Rosales at Batrios.
Dahil sa tindi ng impact ng pagkakabangga, tumalsik palabas ng pedicab ang mga pasahero nito habang nasaktan din naman ang dalawang sakay ng SUV na sina Tan, na ina ni Jeffrey at si John Patrick, na nakababata niyang kapatid.
Samantala, nadamay din sa aksidente ang dalawang nakaparadang sasakyan sa lugar, na nagresulta sa pagkapinsala ng mga ito.
- Latest























