Mayor Honey: Libu-libong jobless Manileños, may trabaho na
MANILA, Philippines — Inihayag ni Manila Mayor Honey Lacuna ang “good news” matapos na libu-libong jobless Manileños ang nagkaroon ng trabaho sa matagumpay na pagdaraos na 2025 Labor Day Job Fair nitong Mayo 1.
Ayon kay Lacuna, aabot sa 8,000 job vacancies ang inialok ng Manila Public Employment Service Office (PESO), sa naturang job fair, sa pakikipag-tulungan ng Department of Labor and Employment - National Capital Region at DOLE NCR Manila Field Office.
Kaugnay nito, pinasalamatan naman ni Lacuna ang mga aplikante at ang 55 local employers na lumahok sa job fair na isinagawa sa Manila Science High School sa Malate, Manila mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon noong Labor Day.
Ani Lacuna, ang job fair ay bahagi ng pagsusumikap ng lokal na pamahalaan na makapagkaloob ng job opportunities para sa lahat ng residente ng Maynila, na nangangailangan ng trabaho.
Dagdag pa ng alkalde, ang aktibidad ay paraan din nila upang bigyang pagkilala ang mga manggagawa.
Sa idinaos ng 2025 Labor Day Job Fair, sinabi ni PESO chief Fernan Bermejo na nagtayo rin sila ng isang One-Stop-Shop na nagbigay ng serbisyo sa mga residente na may transaksiyon sa SSS, Pag-Ibig, PhilHealth, BIR, MPD, NBI, OWWA, DTI, PSA, at iba pa.
Matatandaang nagkakaloob rin ang administrasyong Lacuna ng trabaho sa mga senior citizens at persons with disability, sa pakikipagtuwang sa ilang pribadong sektor sa lungsod.
- Latest
















