PWD hindi ginamit sa paninira vs Mayor Vico
MANILA, Philippines — Pinabulaanan ng isang residente ng Lungsod ng Pasig na lumahok sa pamamahagi ng bigas na ginamit ng kampo ni mayoral candidate Sarah Discaya ang isang person with disability (PWD) upang siraan si Pasig City Mayor Vico Sotto.
Sa panayam ng Radyo Inquirer Online kay “Ronnel”, sinabi nito kusang loob ang pagpapa interview ng babaeng PWD sa isang vlogger na lumapit sa ilan sa mga nakapila upang kunan ng mensahe.
“Wala pong nangyaring pilitan. Choice mo naman po yun kung magpapa-interview ka o hindi, kung gusto mo o hindi. Wala pong sapilitan na nangyari,” ani Ronnel.
Sa katunayan aniya, isa rin siya sa mga na interview subalit hindi niya nakita ang kanyang video sa anumang social media platform.
Binigyan diin ni Ronnel na hindi niya inakalang PWD ang babae dahil normal itong kumilos at magsalita.
Kuwento pa nito, isa lamang siya sa daan-daang iba pang residente ng lungsod na nakapila para sa libreng bigas na ipinamamahagi ng “Team Kaya This” nang sila ay lapitan ng vlogger.
Hindi rin siya naniniwalang si Discaya at ang kanyang partido ang nasa likod ng kampanya upang siraan si Sotto, dahil mismong mga anak ni Sarah ay PWD rin.
- Latest