2-anyos hinostage sa palengke, suspek timbog

MANILA, Philippines — Arestado ang isang lalaki nang i-hostage ang isang 2-anyos na batang babae sa Bulungan market, Barangay La Huerta, Parañaque City, nitong Linggo.
Nakapiit na sa Parañaque Police Custodial facility ang suspek na nahaharap sa mga reklamomg Serious Illegal Detention, Child Abuse, Alarm and Scandal, at Illegal Possession of Bladed Weapon.
Tagumpay na nailigtas ang bata habang sugatan naman si Patrolman Samuel Melad, miyembro ng Parañaque Law Enforcement Team, nang humablot sa patalim ng suspek.
Naganap ang insidente pasado alas-12:00 ng tanghali nitong Linggo, Abril 13, sa Bulungan market.
Sa kuha ng CCTV, isang lalaki na armado ng kutsilyo ang may bitbit na bata at galit na galit na naghahamon sa mga taong naka-uusyoso.
Sa pagresponde ng mga pulis, nagkaroon ng isang oras na negosasyon hanggang sa makakuha ng tiyempo at dinamba ang suspek. Dito na nahawakan ni Pat. Melad ang kutsilyo ng suspek.
Lumilitaw na una umanong pinagtripan ng suspek ang ama ng bata na tumakbo at nasaksihan ng mga kaanak ang pagbitbit naman sa anak nito.
Sinabi ni Police Lieutenant Mardison Perie, Team Leader ng Parañaque Law Enforcement Team, na hindi tagaroon ang suspek.
- Latest