Driver binoga sa mukha, todas
MANILA, Philippines — Sabog ang mukha ng isang lalaki na binaril ng malapitan ng riding-in-tandem kamakalawa sa Malabon City.
Kinilala ang biktima na si Benjamin Codilan, 58, driver at residente ng Barangay NBBS, Navotas City.
Ayon sa imbestigasyon ng Malabon City Police, nangyari ang insidente bandang alas-12:26 ng tanghali sa Block 49 Pampano St, Barangay Longos, Malabon City.
Nakatayo sa Brgy. Longos ang biktima nang hintuan ng mga suspek na sakay ng Honda Beat motorcycle. Isa sa mga suspek ang bumaba at malapitang binaril sa mukha ng dalawang ulit ang biktima.
Nang makitang duguan ang biktima agad na tumakas ang mga suspek sa direksiyon ng C4 Road, Navotas City.
Agad na rumesponde sa crime scene sina PSSg Julius Christopher Dela Cruz, PCpl Hermenio Gregorio at Pat Marvin Valdez ng Sub Station 5, MCPS at kinordon ang lugar.
Nagsasagawa na ng follow-up at manhunt operation ang Malabon City Police upang matukoy ang mga suspek na nahaharap sa kasong murder.
- Latest
















