Robotics tatanggalin mga lumot sa dagat
MANILA, Philippines — Walong estudyante na mga robotics innovators mula sa Dr. Yanga’s Colleges, Inc. (DYCI) ang makikipagtagisan ng galing sa ibang paaralan sa Europa sa gaganaping First Lego League Open sa Mayo 2-4 sa gaganaping international competition sa Korinthos, Greece kung saan entry nila ang robotics na magtatanggal at magkokontrol sa pagdami ng mga lumot sa dagat partikular sa Boracay at Manila Bay.
Sa kanilang pagdalaw kay dating Ilocos Sur Governor Luis ‘Chavit’ Singson, niregaluhan din ng mga estudyante si Singson ng kanilang likhang robotics na elepante bilang pasasalamat sa suporta at tiwala sa kanilang pagtungo sa ibang bansa.
Ayon sa mga estudyante, malaking tulong sa kanila ang pagkilala ni Singson sa kanilang kakayahan at talento upang mas maging pursigido pa sa kanilang mga lilikhaing proyekto.
Sinabi naman ni Singson na ang mga estudyanteng ito ang dapat na sinusuportahan ng pamahalaan na lubos na makatutulong sa pag-unlad ng bansa.
Bukod sa financial support, tiniyak ni Singson na bibigyan niya ng gantimpla ang mga buong team ng DYCI manalo man o matalo sa competition. Ito matapos na ihayag ni Anne Raz, assistant coach na walang financial prize na nakukuha sa competition kundi pagkilala lamang.
Ani Singson, hindi siya magdadalawang isip na suportahan ang mga innovators tulad ng mga estudyanteng nasa elementary at senior high tulad nina Carl Mendoza, 11; Haven Maurio, 10; Jewel Riayniue, 17; Gab Ortega, 17; Trinity Bautista,16; Leslie Guadalupe,16; Akisha Halili, 11 at Toby Dalistan, 15, na patuloy sa pag-aaral at pag-iimbento ng mga kabuluhanng proyekto.
Umaasa naman si Beryl Cruz, head coach ng DYCI na makakamit ng mga estudyante ang panalo na mas makakapagtaas ng moral at pagkilala sa bansa.
- Latest

















