Paano hihingi ng tawad?
Dear Dr. Love,
Ako po si Ernesto, 63 anyos, at may isang bagay na bumabagabag sa aking puso na nais kong ibahagi.
Dalawampung taon na ang lumipas mula nang iwan ko ang aking pamilya. Noon, akala ko tama ang desisyon kong piliin ang sarili kong kalayaan. Naiwan ko ang aking asawa at dalawang anak na noon ay mga musmos pa.
Lumipas ang mga taon at sinubukan kong bumuo ng bagong buhay, ngunit laging may kulang. Hindi ako mapanatag. Napupuno ng pagsisisi ang puso ko.Noong nakaraang linggo, nakita ko ang larawan ng aking mga apo sa social media. Napakasaya nila, pero wala ako sa kanilang mga ngiti. Hindi ko alam kung paano ako makakahingi ng tawad. Takot akong baka hindi na nila ako matanggap. Pero higit sa lahat, nais kong magsisi at ipakita sa kanila na nagbago na ako.
Ernesto
Dear Ernesto,
Hindi madaling aminin ang mga pagkakamali. Magsimula ka sa pagpapatawad sa iyong sarili.
Magpakumbaba ka at ipakita ang iyong sinseridad sa iyong pamilya. Maaaring mag-message sa iyong asawa at sabihin mo sa kanila ang iyong pagsisisi at ang iyong hangaring bumawi. Huwag mong asahan na agad kang patatawarin, lalo na kung malalim ang sugat na iyong iniwan. Maging matiyaga ka at maging handa na maghintay. May pag-asa pa. Sana’y maging bukas din ang puso ng iyong pamilya sa muling pagbibigay ng tiwala sa’yo.
DR. LOVE
- Latest