Tumakas na Korean, natimbog na ng BI

MANILA, Philippines — Naaresto na ng Bureau of Immigration (BI) at Philippined National Police (PNP) ang South Korean national na tumakas nitong Martes matapos na dumalo sa hearing ng kanyang kaso sa Quezon Prosecutors Office sa Quezon City.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, si Na Ikhyeon, na may kasong estafa ay nadakip sa isang residential area sa Brgy. Pampang, Angeles City, Pampanga kahapon ng madaling araw.
Nabatid na agad na nagsagawa ng joint operations ang Fugitive Search Unit at Intelligence Division ng BI,PNP-Police Station 4 Angeles, Regional Special Operations Unit PRO 3, PNP-Intelligence Group, at Naval Intelligence and Security Group Northern Luzon matapos na tumakas si Na nitong Marso 4.
Kuha sa CCTV mula sa QCPO ang maluwag na pagbabantay ng mga BI personnel kay Na hanggang magtungo ito sa isang bar sa Sct. Chuatoco at sumakay sa naghihintay na van na nagtakas sa kanya.
Una nang sinibak ni Viado ang 3 BI personnel dahil sa insidente.
Nabatid kay Viado na inaresto rin ang isang Kang Changbeom, isa ring Koreano na nagtago kay Na at tumulong dito sa pagtakas sa suspect.
Sa beripikasyon sa Korean National Police Agency, si Kang ay isa ring wanted na takas sa South Korea dahil sa pandaraya.
Ang dalawang pugante ay ililipat sa BI detention facility sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Bunsod nito, magsasagawa ng pagsasaayos ang BI upang matiyak ang mataas na seguridad laban sa dalawang Koreano na itinuturing nang high risk detainees.
- Latest