Mandatory road safety training sa mga drayber, konduktor ikakasa ng LTFRB

MANILA, Philippines — Kailangan munang sumailalim sa mandatory comprehensive training tungkol sa road safety ang mga driver at conductor bago mai-renew ang franchise ng mga pampasaherong sasakyan sa bansa.
Ito ang nakasaad sa bagong direktiba ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang matiyak na ligtas sa kanilang paglalakbay ang lahat ng pampasaherong sasakyan nationwide.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III, layon ng pagsasanay na mabawasan ang bilang ng mga road accidents na kinasasangkutan ng mga pampasaherong sasakyan at matiyak na may kaalaman at sumusunod ang mga driver sa traffic rules and regulations.
Sa illalim ng Memorandum Circular No. 2024-040, bubuo at mag-iinstitutionalize ang LTFRB ng Driver’s and Conductor’s Academy Program (DCAP) kasama na ang accreditation ng mga driving schools na magsasagawa ng training at ng mandatory road safety education ng mga drivers at conductors ng mga public utility vehicles (PUVs.)
“All PUV drivers and conductors of existing franchise holders, with valid and existing CPC and/or Provisional Authority (PA) and Special Permits (SP), are required to complete the required course designed by the LTFRB,” nakasaad sa naturang memorandum.
Ang enrollment fee para sa mga makikiisa sa programa ay P2,000 at dapat na makokompleto ang minimum na dalawang araw at hindi lalampas sa walong araw.
Sa Metro Manila ang pilot implementation at matapos ang tatlong buwan ay isasagawa naman ito sa ilang lalawigan.
- Latest


















