108 Foreign nationals ipinadeport
MANILA, Philippines — Umaabot sa 108 mga dayuhan na karamihan ay mga Chinese ang ipinatapon ng Bureau of Immigration (BI) sa magkakahiwalay na flights matapos mahuli na nagtatrabaho sa illegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) alinsunod sa patuloy na pagsugpo ng gobyerno sa mga ipinagbabawal na gaming operations.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong “ Marcos Jr. na wakasan ang mga operasyon ng POGO sa bansa, bilang bahagi ng mas malawak na pagsisikap na protektahan ang pambansang seguridad at sugpuin ang mga transnational na krimen na nauugnay sa mga establimyento na ito.
Base sa report ng Bureau of Immigration (BI) kabilang sa mga ipinadeport ay 98 Chinese nationals at 10 namang Vietnamese nationals. Ang mga Chinese deportee ay sumakay sa Ninoy Aquino International Airport(NAIA) lulan ng Philippine Airlines(PAL) chartered flight papuntang Xi’an, China.
Nasa kabuuang 91 Chinese nationals ang kabilang sa 450 indibidwal na inaresto noong Enero 8 sa isang commercial building sa Parañaque City, habang pito pa ang mula sa detention facility ng BI sa Bicutan, Taguig.
Nilinaw ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na ang chartered flight ay inayos ng Chinese Embassy bilang bahagi ng kanilang coordinated efforts para mapabilis ang pagpapauwi sa mga dayuhang sangkot sa illegal POGO activities.
Sa tala mula noong Enero, nahuli na ng BI ang mahigit 500 dayuhan sa magkakahiwalay na operasyon sa Parañaque, Cavite, at Pasay City. Samantalang may kabuuang 226 na ang na-deport.
- Latest