7.9K ilegal na SIM card nasabat ng PNP-ACG

MANILA, Philippines — Umaabot sa 7,900 na mga illegal na pre-registered subscriber identity module (SIM) card ang nakumpiska ng Philippine National Police- Anti Cybercrime Group (PNP-ACG).
Ayon kay PNP-ACG Director Brig. Gen. Bernard Yang, ang nasabing bilang na nasamsam nitong Enero 2025 ay may katumbas na 240.34% pagtaas sa naitalang kabuuang bilang kumpara sa 3,287 SIM card na nakumpiska noong 2024.
Nabatid na sa nakumpiskang mga SIM cards, 19 ang nakakonekta na sa e-wallets at bank accounts.
Kabilang sa mga naaresto sa isinagawang 31 entrapment operation mula Enero 1 hanggang 31 ang 38 indibidwal na sangkot sa ilegal na pagbebenta ng SIM card.
Isang menor-de-edad ang kasama sa mga naaresto at ngayon ay nasa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sinampahan na ng paglabag sa RA No. 11934 (SIM Registration Act) at RA No. 12010, o “Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA),” sa ilalim ng Section 6 ng RA No. 10175 (Cybercrime Prevention Act) ang mga suspek.
- Latest


















