Miyembro ng PAMB pinasisibak kay Yulo
MANILA, Philippines — Hiniling kahapon ni Las Piñas City Councilor Mark Anthony Santos kay Environment and Natural Resources Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga na agarang sibakin ang mga miyembro ng Protected Area Management Board (PAMB) ng kagawaran na umano’y nagmamanipula sa pag-iisyu ng clearance certificates para sa P103.8-billion Las Piñas-Parañaque Coastal Bay Reclamation Project.
Hinimok din ni Santos, isa ring congressional candidate, si Yulo-Loyzaga na ihayag sa publiko ang mga pangalan ng mga makapangyarihang pulitiko na nang-iimpluwensya sa ibang PAMB members upang hindi aprubahan ang clearance certificate ng matagal nang naantalang multi-billion reclamation project.
Base sa kautusan ng Supreme Court (SC) En Banc, sa botong Voting 11-2, inaprubahan noong Oktubre 21, 2021 ang reclamation project ng may 530 ektraya ng Manila Bay coastline sa Las Piñas-Parañaque, matapos na hindi ma-establisa ang pagkakaroon ng “environmental threat” sa proyekto.
Ani Santos, nalaman niya sa isang incumbent DENR undersecretary na ang mga miyembro ng PAMB ay na-pressure umano ng isang malaking pulitiko upang hindi ipalabas ang kinakailangang clearance certificates para masimulan na ang nasabing proyekto, sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema.
Kinumpirma rin ni Santos na ang dalawa sa mga miyembro ng local PAMB ay kaalyado aniya ng pulitiko matapos niyang makasama sa board meeting, nang magsilbi siyang kinatawan ni Las Piñas Mayor Imelda Aguilar, isang taon na ang nakalipas.
- Latest