Organ donation program inilunsad ng Quezon City LGU, NKTI
MANILA, Philippines — Pormal nang inilunsad kahapon ng Quezon City LGU sa pangunguna ni cancer survivor Councilor Charm Ferrer, QC Health Department at National Kidney Transplant Institute ( NKTI) ang “Organ Donation Program” sa Bahay Toro Barangay Hall sa lungsod.
Ayon kay Dr. Shane Marte head ng Toro Hills Health Center ng QC Health Department, ang programa ay layong palakasin ang awareness ng publiko hinggil sa pagdo-donate ng organ at mapalakas ang kaalaman sa tamang pangangalaga sa kalusugan.
Aniya, hindi lamang organ ang maaaring i-donate kundi maaari ring mag-donate ng dugo.
Ayon kay Councilor Ferrer, hindi dapat matakot ang mga taong magdo-donate ng organ dahil daan ito para dugtungan ang buhay ng isang taong nangangailangan nito at may kaukulang tulong naman mula sa pamahalaan ang mga organ donor tulad ng pagtiyak sa normal nitong kalusugan.
Sinabi naman ni Mernel Zapanta ng NKTI/HOPE na ang mga nais mag-donate ay kailangang magpalista sa kanila upang matiyak na maaaring maging organ donor.
Ipinaliwanag din nito sa mga health staff at mga residente ng barangay Bahay Toro na ang isang organ donor ay sasailalim sa pagsusuri at dapat na malusog ang pangangatawan upang matiyak na maaaring maging organ donor.
Kahapon nagsagawa rin ng libreng flu at pheumonia vaccine ang QC health staff sa mga nakiisa sa okasyon.
- Latest