Owner ng construction firm, huli sa pagpatay sa Navy intel officer
MANILA, Philippines — Isang negosyante na itinuturing na pangunahing suspek sa likod ng pagpatay sa isang miyembro ng Philippine Navy na si IS3 Ronald Silanga sa Sto. Tomas, Batangas, mahigit isang linggo na ang nakalilipas, ang naaresto sa Barangay Highway Hills, Mandaluyong City, noong Martes ng hapon.
Si Caezar Mangubat, 37, negosyante at may-ari ng isang construction firm, ay humingi pa ng tulong sa isang programang “Wanted sa Radyo” ng TV5 bago siya nai-turnover sa mga awtoridad.
Ayon kay Lt. Col. Titoy Jay Cuden, hepe ng pulisya ng lungsod, ang pag-aresto kay Mangubat ay batay sa warrant of arrest na inisyu ni Judge Mary Grace Bonsol-Cabal, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Fourth Judicial Region, Branch 35, Calamba City, Laguna nitong Sept. 23, 2024.
Walang piyansang inirekomenda ang korte para sa pansamantalang kalayaan ni Mangubat at ngayo’ay nasa kustodiya na ng pulisya ng Calamba.
Ayon kay Cuden, sina Mangubat at Hipolito Gibe Jr, isang dating kadre ng New People’s Army (NPA), ay nakalista bilang Regional Level-Most Wanted Person sa rehiyon ng Calabarzon.
Itinanggi ni Mangubat ang kanyang partisipasyon sa krimen at idinagdag na boluntaryo niyang ibinigay ang sarili sa tulong ng media personality.
Si Mangubat, kanyang security aide-bodyguard na si Gibe Jr. na isang dating gerilya ng New People’s Army na nagsilbing gunman sa krimen at nananatiling pinaghahanap, at dalawang naarestong kasabwat na sina alyas Carlo, 26, at Jay, 29 ay kabilang sa apat na taong sangkot sa pagpatay kay Silanga.
Sinabi ng pulisya na ang dating gerilya umano ang bumaril sa biktima.
Natagpuan ang biktima pasado alas-10 ng gabi noong Setyembre 6 sa isang abandonadong sasakyan na nakaparada sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay San Rafael.
- Latest