3 tirador ng motorsiklo, arestado
MANILA, Philippines — Tatlong lalaki ang arestado matapos umanong nakawin ang isang nakaparadang motorsiklo sa Sampaloc, Manila .
Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2006 ang mga naarestong suspek na sina alyas ‘Bernardo,’ 21, Lalamove rider; ‘Jan,’ 20, negosyante, miyembro ng Commando Group; at ‘Dan,’ 21, delivery helper, pawang residente ng Pandacan, Manila.
Ang mga suspek ay inaresto batay sa reklamo ng isang 24-anyos na complainant, na isa ring Move-It rider at residente ng Sampaloc, Manila.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Sampaloc Police Station (PS-4), nabatid na dakong alas-6:30 ng gabi kamakailan nang maganap ang pagnanakaw sa motorsiklo sa tapat ng isang bahay sa Algeciras St., kanto ng Firmeza St., sa Sampaloc. Anang biktima, ipinarada lamang niya ang kanyang puting Honda Click 150i, sa naturang lugar dakong alas-12:48 ng madaling araw ngunit nang balikan ay nawawala na ito.
Hinanap umano nila ang motorsiklo at nang hindi matagpuan ay kaagad nang inireport sa pulisya.
Natunton naman ng mga pulis ang kinaroroonan ng motorsiklo at naaresto ang mga suspek sa isinagawa nilang imbestigasyon at follow-up operation sa kaso.
Narekober din mula sa mga suspek ang motorsiklo ng biktima, at dalawa pang motorsiklo na siyang ginamit umano ng mga ito nang isagawa ang krimen.
- Latest