La Mesa dam umapaw kay ‘Carina’
MANILA, Philippines — Umapaw ang La Mesa dam sa Quezon City dahil sa hagupit ng bagyong Carina.
Ayon sa PAGASA, alas-8:30 ng gabi nitong Miyerkules nang ang water level ng La Mesa ay nasa 80.17 meters.
Anya, kapag lumagpas sa 80.15 meters ang water level ng dam ay aapaw na ito.
Bunga nito naapektuhan ang mga naninirahan sa mababang lugar sa bahagi ng Tullahan River, Quezon City (Barangay Fairview, Forest Hills Subdivision, Sta Quiteria, at San Bartolome), habang sa Valenzuela City ay ang Barangay Ligon, Barangay North Expressway at La Huerta Subdivision) at Malabon City.
Ayon kay Bernard Punzalan, ang pag-apaw ng La Mesa ay nakadagdag pa sa pagbaha sa nasabing mga lugar kung saan ang naturang dam ay walang floodgates.
Samantala, dahil sa malalakas na pag-ulan ay tumaas naman ang level ng tubig sa Ambuklao at Angat dams ng mahigit 4 metro.
Bandang alas-8 ng umaga, ang level ng tubig sa Ambuklao ay nasa 749.47 meters o 4.62 meters na mas mataas kaysa nitong mga nagdaang araw.
Ang 4.39 metrong pagtaas ng tubig sa Angat ay naglagay dito sa 182.89 meters na mas mataas sa minimum operating level nito na 180 meters.
- Latest