‘Mukbang’ balak ipa-ban ng DOH
Food pornography daw
MANILA, Philippines — Pinag-iisipan na ng Department of Health (DOH) ang pag-ban sa “Mukbang” matapos ang mga ulat na naging dahilan ng pagkamatay sa stroke ng isang content creator mula sa Iligan.
Nitong Biyernes, nagpalabas ng public health warning si Health Secretary Teddy Herbosa laban sa mukbang videos at pag-aaralan ang regulasyon sa masamang dulot ng sobrang pagkain o overeating kasunod ng kaso ng pagkamatay ng mukbang vlogger na si Dongz Apatan noong Hunyo 13.
“It’s a bad practice because people make content by overeating. Overeating is not healthy. It will lead to obesity,” ani Herbosa.
Ang obesity aniya ay nagreresulta sa hypertension, heart conditions, non-communicable diseases, at maaring mauwi sa atake sa puso.
Ang panonood aniya ng mga katulad na videos ay maaring magresulta sa eating disorders o internet addiction, dahil ginagaya ito at bukod sa panggagaya sa pagkain ng sobra, naeengganyo rin ang mga tao na gumawa rin ng mukbang blog upang kumite ng pera, kahit delikado sa kalusugan.
Ayon pa kay Herbosa, maaring magpalabas ng ban sa mukbang videos kung kumpirmadong nauugnay ang ikinasawi ni Apatan sa overeating.
“You are promoting unhealthy behavior to the Filipinos….I can ban it locally. I can propose banning mukbang locally. Even ask the DICT to stop those sites. [It’s like] food pornography,” ani Herbosa.
“It’s asking, making people eat like gluttons. You can earn income as long as it does not produce health risks. If you’re earning from something that is a public health threat, I will have to stop you,” dagdag pa niya.
- Latest