Magtiya natepok sa ‘heat stroke’!
Natagpuang naagnas sa bahay
MANILA, Philippines — Naaagnas na ang katawan ng isang senior citizen at kanyang pamangkin nang madiskubre ng mga awtoridad nang kanilang pasukin ang isang bahay na pinanggagalingan ng masangsang na amoy kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Kinilala ang mga biktima na sina Nora Tiongson y Torralba, 72, isang senior citizen at Gerald Kinsky Torralba y Radaza, 37, empleyado; kapwa residente ng Block 80 Lot 46 Florante at Laura St., Brgy Greater Lagro, Quezon City.
Lumilitaw sa imbestigasyon ni PStaff Sgt. Runald Ceniza ng Quezon City Police District-Station 16, dakong alas-10 ng gabi nitong Miyerkules nang magtungo sa nasabing address ang kaopisina ni Radaza na si Roderick Reyes.
Nabatid na ilang araw nang hindi pumapasok sa trabaho si Radaza kaya inutusan si Reyes ng kanilang opisina na bisitahin ang una.
Makailang ulit na kinakatok ni Reyes ang bahay ng mga biktima subalit walang sumasagot kaya napilitan itong humingi ng tulong sa mga opisyal ng Barangay Greater Lagro.
Sa pagpasok ni Ex-O Vincent Andrew Tesoro, at mga Barangay Public Safety Officers (BPSO) na sina Ramil Dacumos, Elenita Ganuelas, Ignacio Calilong at Alesandro Muyuela, nakakasulasok na amoy ang bumungad sa kanila kaya napilitan na nilang sirain ang bintana ng bahay. Nakita nila si Radaza na nakahiga sa sopa at wala nang buhay.
Kasunod na dumating ang SOCO team mula QCPD Forensic Unit sa pangunguna ni PCpt John Agtarap at sa kanilang pagsisiyasat ay nadiskubre naman ang bangkay ni Torralba sa loob ng kuwarto nito.
Kapwa naaagnas na ang mga bangkay ng biktima.
Sarado ang buong bahay at wala namang nawawala sa gamit ng mga biktima.
Posible umanong na-heat stroke ang mga biktima na sanhi ng kanilang ikinamatay.
- Latest