Aide ng pulitiko namaril: Nurse, 1 pa utas!
Nagalit nang tulungan sa pagkakasemplang
MANILA, Philippines — Dalawa katao ang patay kabilang ang isang nurse nang magkasunod na barilin sa ulo ng isang nagpakilalang security officer ng isang pulitiko, na imbes na matuwa ay nagalit pa habang tinutulungang makabangon nang sumemplang sa motorsiklo dahil sa kalasingan sa Congress Village, Brgy. 173, Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot sina Mark John Aurey Blanco, 38, isang nurse at residente ng Block 11 lot 16 Sapphire St. Merry Homes Subdivision, Brgy. 172, Caloocan, at Willy Manarom, 39, construction worker at naninirahan sa Block 50 Lot 7 USNAI Brgy.173, Congress Caloocan City.
Agad namang naaresto ng Caloocan City Police ang suspek na si Joel Vecino, 54, ng Block 6 Lot 11 Badjao St. Saint Dominic, Brgy. 168, Deparo, Caloocan City, na nahaharap sa kasong double murder.
Sa ulat nina PSSg Leo Augusto Reyes at PSSg Karl Piggangay kay Caloocan City Police chief PCol. Ruben Lacuesta, nangyari ang insidente dakong alas-8:10 ng gabi nitong Linggo sa panulukan ng Road 17 at Road 6 Lagumbay St. Upper Congress Village, Brgy. 173.
Nabatid na sakay ng kanyang motorsiklo ang suspek nang aksidente siyang bumagsak dala ng matinding kalasingan.
Nakita naman ni Blanco ang pagkakabagsak ng suspek kaya tinulungan niyang makatayo. Gayunman, ikinagalit ng suspek ang pagtulong ni Blanco kaya binunot nito ang kanyang Glock 9mm na baril sa pinaputukan sa ulo.
Dito na lumapit si Manarom upang umawat subalit maging siya ay binaril din ng suspek sa ulo.
Ayon sa ilang saksi, nagpapakilala pa ang suspek na security officer ng isang kilalang pulitiko.
Tinangka pang tumakas ng suspek pero dahil sa mabilis na pagresponde ng mga pulis ay agad siyang nadakip at nakumpiska ang baril na ginamit nito sa krimen at Yamaha R15 na may plakang 841NGM at may sticker na JCVecino sa gas tank.
Nakarekober din ang Northern Police District Forensic Unit sa crime scene ng tatlong basyo ng bala ng Glock 9mm.
- Latest