Consultancy firm nag-aalok ng trabaho sa Canada, pinadlak
MANILA, Philippines — Ipinasara kahapon ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang consultancy firm na natuklasang ilegal na nag-aalok ng trabaho sa Canada.
Nabatid na kabilang sa ipinadlak ng DMW ang main office at tatlong sangay ng Dream Pathway Education and Immigration Services (Dream Pathway), na isang immigration consultancy firm na ilegal na nag-aalok ng trabaho bilang entry point sa permanent residency sa Canada.
Sa pangunguna ni Officer-In-Charge (OIC) Hans Leo Cacdac, tinungo ng DMW, sa pamamagitan ng Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) at sa pakikipag-koordinasyon sa lokal na pamahalaan at mga pulis, ang head office ng Dream Pathway na matatagpuan sa Mandaluyong City, gayundin ang tatlong sangay nito sa Cabanatuan City, Nueva Ecija; Apalit, Pampanga; at Lipa City, Batangas.
Nabatid na ipinag-utos ni Cacdac ang closure ng Dream Pathway dahil sa illegal recruitment ng mga Filipino nurses, caregivers, nursing aides, at welders patungong Canada.
Nagsagawa umano ang DMW-MWPB ng surveillance operations at dito natuklasang nag-aalok ang kumpanya ng iba’t ibang trabaho sa Canada, kapalit ng P110,000 professional fee sa ilalim ng Atlantic Immigration Pilot (AIP) program.
Ayon sa DMW, ang mga Pinoy na patungong Canada sa ilalim ng AIP ay kailangang sumailalim sa contract verification at documentary processing ng DMW bilang legal documentation sa OFWs, maging direct hire processing man ito o di kaya ay sa pamamagitan ng licensed Philippine recruitment agency.
Sasampahan ang Dream Pathway ng kasong illegal recruitment habang hinikayat ang mga nabiktima ng kumpanya na agad na kumontak sa DMW upang matulungan sila sa paghahain ng kaso.
- Latest