Commercial bldg. naabo, Catholic school nadamay
MANILA, Philippines — Naabo ang isang commercial building na gawa sa light materials at bahagyang nadamay ang 10-palapag na gusali ng isang paaralan sa Paco, Maynila, Sabado ng gabi.
Wala namang naitalang nasawi bagama’t may Isang fire volunteer na kinilalang si Cherraline Rufil, 23-anyos ang nasugatan.
Sinabi ni ground commander Fire Superintendent Leo Andiso, deputy district fire marshall ng Manila Fire Department, nagsimula ang sunog alas-8:00 ng gabi sa 2-palapag na gusali na pag-aari ng isang Jose Cortes, sa Pedro Gil St, Paco.
Pagsapit ng alas-8:02 ng gabi ay nasa ikalawang alarma na ang sunog dahil sa yari ang gusali sa mahihinang materials.
Umakyat pa ng fifth alarm pagsapit ng alas-8:37 at ala-1:26 ng madaling araw ng Linggo, Abril 21 nang ideklarang fire-out.
Bahagyang nadamay ng apoy ang 10-palapag na gusali ng Paco Catholic School.
Unang dumating sa responde ang kalapit na Paco Volunteer Fire Brigade at mga tauhan ng Paz at Paco Police Community Precinct na umalalay sa mga residente para sa crowd control at maiwasang manakawan ang mga nasunugan. Umabot naman sa 19 ang fire truck ng Bureau of Fire Protection, bukod pa sa tambak na fire volunteers.
- Latest