Libreng bakuna vs Pertussis, larga na sa Maynila
MANILA, Philippines — Larga na ang 44 health centers ng lungsod ng Maynila sa pagbibigay ng libreng bakuna laban sa nakamamatay na sakit na Pertussis na karaniwang tumatama sa mga sanggol o bata.
Kahapon, nanawagan si Mayor Honey Lacuna sa mga magulang at guardian na dalhin ang mga anak na bata sa pinakamalapit na health center at pabakunahan dahil sa lumolobong mga kaso ng pertussis sa bansa.
Ginawa ni Lacuna ang apela sa gitna ng mga ulat na mahigit 800 kaso ng pertussis ang naitala na ng Department of Health (DOH) mula Enero 1 hanggang Marso 31, 2024 lamang.
Ayon sa alkalde, ang lungsod ng Maynila ay mayroong 44 na health centers sa ilalim ng Manila Health Department (MHD) na pinamumunuan ni Dr. Arnold Pangan na nagbibigay ng libreng bakuna sa mga bata upang maprotektahan sila laban sa iba’t ibang uri ng sakit.
Ayon kay Dr. Pangan na maaaring bumisita sa MHD online appointment system para sa appointment sa pamamagitan ng http:/www.ManilaHealthDepartment. com.
Bilang isa ring doktor, binigyang-diin ng alkalde ang kahalagahan ng bakuna sa pertussis para mapigilan ang pagdami ng mga kaso na ang iba ay nauuwi rin sa kamatayan kung hindi agad matutuklasana ng mga sintomas at maaagang panggagamot.
Aniya, ang lungsod ay gumagawa ng sarili nitong pagsisiyasat sa kaso, pagsubaybay sa contact, prophylaxis at pagbabakuna upang matugunan ang problema.
Kinumpirma ng DOH na umabot na sa 862 ang mga kaso ng pertussis sa bansa, kung saan 49 ang nasawi. Ang datos na naitala mula Enero hanggang Marso ay 30 beses na mas mataas kaysa sa parehong panahon noong nakaraang taon na may 79 porsiyentong mga batang wala pang limang taong gulang.
Karamihan sa mga kaso ay nagmula sa MiMaRoPa, na may 187 kaso na sinundan ng National Capital Region (NCR) na may 158 kaso; Central Luzon, 132; Central Visayas, 121 at Western Visayas, 72.
Sa mga batang apektado, 66 porsiyento o anim sa sampu ay alinman sa hindi nabakunahan o walang alam na kasaysayan ng pagbabakuna.
- Latest