F2F classes sa Quezon City sinuspinde dahil sa matinding init
MANILA, Philippines — Sinuspinde ng local na pamahalaan ng Quezon City ang face-to-face classes kahapon, Abril 2 sa mga day care, elementarya at sekondaryang pampublikong paaralan at sa ALS sa buong lungsod.
Ito ay bunsod sa matinding init na nararanasan at batay sa pagtaya ng QC iRISE UP system aabot sa 41°C ang init ng temperatura kahapon.
Dahil dito, mula face-to-face classes ay ililipat muna sa asynchronous o synchronous ang klase ng mga estudyante.
Base sa Memorandum Circular No. 10-A series of 2022 na alinsunod sa DepEd Order No. 037 series of 2022, ipinauubaya naman sa mga pribadong paaralan ang pagpapasya kaugnay sa pagpasok ng mga bata, ngunit hinihikayat na sundin ang mga pambansa o lokal na anunsyo sa mga klase ng mga mag aaral.
Una na ring nanawagan ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa Department of Education (DepEd) na ikonsidera ang pagbalangkas ng mga hakbang para maibsan ang epekto sa mga mag-aaral at guro ng matinding init.
Ayon sa QC Disaster Risk Reduction and Management Office (DRMMO), maituturing ito bilang “extreme caution” at maaari pang tumaas ang temperatura anumang oras.
- Latest