Chairwoman kinuyog ng nag-iinauman, 4 arestado
MANILA, Philippines — Sugatan ang barangay chairwoman matapos kuyugin at batuhin ng bote ng alak ng apat na nag-iinuman kabilang ang tatlong babae sa isang kalye ng kanilang barangay sa Tondo, Manila kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang biktima na si Aurea Marie Fernandez, 31-anyos, Punong Barangay ng Brgy. 158, Zone 14 at residente ng South Trinidad, Tondo.
Mahaharap naman sa mga kasong Direct Assault, Physical Injuries, Alarm and Scandal at paglabag sa R 5555 o Drinking in Public Places ang mga suspek na sina Rica Mae Tubang, 23, at Denice Ondevilla, 19, kapwa residente ng Juan Luna St., Tondo, sakop ng Brgy. 149, Zone 14; at sina Richmond Carl Valenzuela, 18, at Richelle Mae Valenzuela, 21, kapwa residente ng V. Serrano St., Tondo, sakop ng Brgy. 158, Zone 14.
Ang apat na suspek ay inaresto ng mga rumespondeng pulis base sa reklamo ni Fernandez matapos umanong pagtulungang atakihin, pagmumurahin at batuhin ng bote ang nasabing punong barangay.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Jose Abad Santos Police Station 7 (PS-7), dakong alas-4:11 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa V. Serrano St., sa Tondo.
Bago ang insidente, naglalakad umano ang punong barangay pauwi ng kanyang tahanan kasama ang pamangkin nang madaanan nila ang apat na nag-iinuman sa kalye.
Pagdaan umano ng biktima ay nilapitan siya ni Richmond at sinita hinggil sa isang usapan sa group chat, hanggang sa mauwi sa kanilang mainitang pagtatalo at pisikal na komprontasyon. Pinagbantaan, pinagmumura, at pinagbabato pa umano ng suspek ng mga basyo ng bote ang biktima.
Tinangka pa umano ng nasabing tserman na pakalmahin at payapain ang sitwasyon ngunit inatake umano siya habang patuloy sa pagwawala ang mga suspek kaya’t napilitan na siyang tumawag at humingi ng tulong sa mga tauhan ng Tayuman Police Community Precinct (PCP) na siyang umaresto sa mga suspek.
- Latest