3 empleyado ng LTO timbog sa ‘nakaw plaka’
MANILA, Philippines — Tatlong empleyado ng Land Transportation Office (LTO) na dawit sa paggawa at pagnanakaw ng mga ilegal na plaka ng sasakyan ang dinakip ng mga tauhan ng pulisya.
Kahapon iniharap sa media nina LTO Chief Vigor Mendoza at DILG Secretary Benhur Abalos ang mga nadakip na suspect na nakilalang sina Jenard Arida at Arjay Anasco, kapwa embossers at ang warehouse staff na si Valeriano Nerizon, pawang nakatalaga sa Plate Making Plant ng LTO Central Office Quezon City.
Pinaghahanap pa ang isang suspect na sinasabing siyang ‘utak’ sa ilegal na gawain na nakilalang si Allan Joker Abrigo na sinasabing lider ng grupo, na empleyado rin ng LTO.
Sa imbestigasyon ni LTO Intelligence and Investigation Chief Renante Melitante, may 38 vehicle plates ang na-manufacture ng grupo mula Jan.6 hanggang Jan.10, 2024
Kaugnay nito, pinabubusisi na ni Mendoza ang pag-audit sa mga car plates na naisyu mula taong 2018 hanggang sa kasalukuyan dahil ang lider ng grupo ay taong 2018 pa pumasok sa LTO Plate Making plant hanggang sa kasalukuyan at ang mga kasabwat naman nito sa modus ay pumasok sa LTO mula 2019 at taong 2020.
“Nung malaman namin ang modus ng apat na ito base sa mga ebidensiya ay humingi kami ng tulong sa PNP para madakip. Pero wala itong LTO record tungkol sa detalye ng plaka na paglalagyan na sasakyan, so malinaw na nakaw’ ‘yan ‘pag naibigay sa bumili ang plakang illegal na ginawa ng grupong ito”, pahayag ni Melitante.
Anya isinusukbit sa likod ng mga suspek ang ginawang illegal plates at saka inilalagay sa kanilang motor palabas sa LTO compound.
Nanawagan naman si DILG Secretary Benhur Abalos sa mga car owners na ipasuri ang naisyu sa kanilang plaka ng sasakyan upang matiyak kung ito ay genuine .
Binalaan din ni Mendoza ang mga bumili ng mga plaka ng sasakyan na mula sa grupong ito na may kakaharapin din silang kaso dahil sa pagbili ng nakaw na plaka. Ang mga plakang nabili anya mula sa grupong ito ay walang record sa LTO kaya’t ito ay mga ilegal plates.
- Latest