Mas maraming LTO enforcers ikakalat vs kolorum na PUVs
MANILA, Philippines — Magkakalat ang mas maraming traffic enforcers ang Land Transportation Office (LTO) sa Metro Manila, bukod pa sa may 50,000 deputized traffic personnel sa buong bansa sa darating na Pebrero 1 kung saan maraming mga pampasaherong sasakyan na ang ituturing na kolorum.
Ito ang inihayag ni LTO Chief Vigor Mendoza na batay rin umano sa kanilang record may 42,000 jeepneys ang may franchise pero umaabot lamang sa 22,000 ang mga rehistradong pampasaherong jeepneys sa ngayon.
“So saan napunta ang 20 thousand plus na may franchise. So maaaring hindi ‘yan nag-consolidate o hindi na nagrehistro o colorum na sila ngayon kaya nga isa ‘yan sa titingnan namin” sabi ni Mendoza.
Anya pag-uusapan ng lahat ng regional officials ng LTO ang tungkol sa mga gagawin kaugnay ng PUV modernization.
Mayroon naman anyang sapat na impounding area ang LTO sa may South MOA, Carmona, Maynila at Quezon City na ang ilan ay nasa pag-uusap pa.
Masyado na nga anyang puno ng impounded vehicles ang compound ng LTO kayat ito ang isa nilang pinagtutuunan ng pansin na masolosyunan.
Nanawagan din si Mendoza sa mga may-ari ng mga pampasaherong sasakyan na hindi na consolidate na e-drop sa LTFRB ang prangkisa upang maiproseso sa LTO ang pagrerehiistro ng kanilang sasakyan bilang isang private vehicle.
Kung hindi anya ito gagawin ng mga may-ari ng mga sasakyan ay maituturing na silang kolorum.
- Latest