Wanted sa murder, timbog sa checkpoint sa Malabon
MANILA, Philippines — Isang lalaking wanted sa kasong murder ang kalaboso, makaraang unang mahuli dahil sa hindi pagsusuot ng helmet sa Malabon City, kahapon..
Sa report ni Malabon City Police, dakong alas-4 ng madaling araw nang masita ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 1 ang suspect na si alyas Allan, 23, ng lungsod ng Manila.
Ang nasabing wanted ay naharang sa checkpoint sa panulukan ng Governor Pascual at Nangka Road, Brgy. Potrero ng lungsod dahil walang suot na helmet habang sakay ng motorsiklo, kasama ang backrider nito.
Nang tanungin kung may lisensiya sa pagmamaneho ang driver ng motorsiklo, dito na napansin ng mga pulis ang dalang baril ng suspect na agad inaresto ng mga operatiba.
Arestado rin ang backrider ng suspect na kasama nitong isinasailalim sa masusing imbestigasyon ng pulisya .
Sa presinto, natuklasang ang suspect ay matagal nang pinaghahanap ng batas dahil sa kasong murder.
Bandang alas-4:45 ng hapon nang isilbi ng pinagsanib na mga tauhan ng WSS, PCP-1 at WSS-CIS, MPD kay Allan ang warrant of arrest na inisyu ni Acting Presiding Judge Barry Boy Ariola Salvador ng Regional Trial Court, National Capital Judicial, Branch 52, Manila noong Nobyembre 29, 2023 kaugnay ng kasong murder sa loob ng custodial facility ng Malabon City Police.
- Latest