ATM ng mga bagong recruits sa PCG, ‘hino-hostage’
MANILA, Philippines — Lumantad ang ilang mga bagong recruits ng Philippine Coast Guard (PCG) na inireklamo ang sinasabi nilang sistema ng katiwaliang umiiral sa simula pa lamang nang pagpasok nila sa naturang puwersa .
sa “recruitment process” kung saan ipinasasagot sa kanila ang umano’y mga “overpriced” na “training gears” na nagbaon sa karamihan sa kanila sa utang.
Sa magkakasamang tinig ng mga bagong graduate mula sa Northern Luzon, Visayas at Mindanao region; ibinunyag nilang karamihan sa mga nagtapos sa PCG ay nagbabayad ng utang ng hindi bababa sa P138,000 hanggang P150,000 para sa kanilang mga ginamit na training gear.
Naglaan naman umano ang pamahalaan ng P43,000 para sa training gear na magagamit sa anim na buwan ng isang recruit, subalit dahil sa mga overpriced items at pagdagdag ng mga hindi naman kailangang kagamitan ay lumalagpas sa pondo ang PCG trainees na sila na ang sumasagot.
Inireklamo rin ng mga recruits ang umano’y tila pangho-hostage ng kanilang mga ATM at pin code para direktang umanong makaltasan ang kanilang mga sahod mula sa mga nautang nilang kagamitan.
Sinabi pa nila na ang iba sa mga recruits ay hindi na pinakikinabangan ang P25,000 entry salary nila dahil sa rami ng kaltas matapos ang kanilang training.
“Hindi po namin nahahawakan ang ATM namin kasi nga po sila ang may kontrol. Sila raw ang hahawak para raw hindi maubos ang laman pero sa totoo lang po inuubos na nila sa kaltas”, ayon pa sa mga recruits.
Nanawagan din sila kay PCG Commandant, Admiral Artemio Abu na imbestigahan ang nagaganap na sistema ng katiwalian na mahabang panahon na umano umaabuso sa mga bagong recruits.
Samantala, nang kunin ng PSN ang panig ng PCG, sinabi ni Rear Admiral Armand Balilo, tagapagsalita, na kasalukuyan na umano nilang iniimbestigahan ang naturang sumbong at makakaasa ang mga recruits na mapananagot kung sino ang maysala.
“Hindi natin ito ito-tolerate at pananagutin ‘yung involved after mapatunayan sa investigation,” ayon kay Balilo.
- Latest